isang gabing tigang

[a repost from an entry posted July 11, 2008]

Malakas ang hanging amihan. Nagngangalit, humaharurot. Kasabay ng pagbugso ng hangin at ang pag-ambon ng kalangitan mababanaag ang sikat ng araw na dala'y pag-asa at liwananag sa pusong tigang at uhaw sa init at yakap ng haring araw.

Patuloy pa rin ang pag-ikot ng orasan, ng mundo sa kanyang aksis.

Mainit na ang umaga. Paakyat na ang araw. Kasabay nito'y paglawak ng kamulatan sa mundo habang unti-unting nagliwanag ang buong paligid. Mababanaag ang larawan ng tunay na buhay. Maraming naghihikahos, nagdadalamhati, hampaslupa at naghihirap. Walang kinakain, walang matirhan, animo'y walang bukas na naghihintay. Bagaman nagsusumikap, patuloy pa rin ang kanilang paglubog, pagbagsak at pagbaon sa putikan samantalang ang iilan ay nakahilata, nag-aaksaya ng salapi, nagpapakabusog at patuloy na nagsasayang sa buhay na biyaya ng maykapal.

Hindi pa rin mapigil ang pag-ikot ng mundo.

Habang umaangat ang sinag ng araw ay ramdam na ang bagsik ng nito. Ang dati'y minamahal sa kanyang gintong silahis ngayo'y sinusumpa sa balat pag dumampi. Hindi na lingid sa lahat ang kanyang paghihiganti. Ang kanyang paghihimagsik sa mga taong dati'y tinulungan nya. Init na nakakahimatay, nakakasulasok at nakakauhaw. Hangad ng lahi ni Adan na may masilungan sa init na dala nito subalit maging ang kalikasan ay sumasabay na rin sa paghihimagsik ni haring araw. Nagbabadya ng matinding takot sa sansinupol. Nagbabadya ng baha, bagyo, pagkamatay at lindol!

Magtatakip silim na.

Umaalingawngaw na ang mga kulisap at ang mga manok ay nagsagutan na sa pagtilaok. Malamig na ang hangin. Palatandaan ng isang mapayapang gabi, mahimbing na pahinga. Subalit heto pa rin ang lahi ni Eba at naghahanap ng pantawid gutom. Sa mga pasilyo at eskinita sila nakapila sa patay-sinding ilaw at tanging kakarampot na tela lamang ang saplot sa katawan. Kawangis nila ang mga palakang bukid na nakikipagharutan sa isat-isa para dumami tuwing takip silim habang lawit ang dila para sa dumadaang kulisap upang magkalaman ang tiyan. Amoy ng pabango at dampi ng iba't-ibang kulay sa kanilang mukha ang tanging nagpapatapang ng kanilang sikmura at nagpapakapal ng kanilang mukha para masikmura at maitaguyod ang kanilang mga "L" sa buhay.

Hatinggabi na.

Gutom pa rin si Juan. Kasabay sa paglatag ng dyaryong mahihigaan, hangad pa rin ang pag-asa at liwananag na dala ng panibagong araw. Walang kasiguruhan, walang patutunguhan! Tanging pinanghahawakan ay ang natitirang katinuan sa utak na any monument from now ay mawawala rin.

Dadami na naman ang maghahanap kay Basilio at Crispin!

Kung anu-ano na lang naiisip at nakikita ko pag panahon ng el niño! Leche! :lol:



AX Spring 2007 Collection (392x72)

Post a Comment

0 Comments