tikman mo ang tunnel ko

Ang buhay ng tao ay kawangis ng isang tunnel, ng isang underpass. May mga matutuwid, makikipot, madilim, maaliwalas, makulay, mabaho, maligalig at higit sa lahat may mga underpass na animoy salat sa karangyaan ngunit hindi nababagay sa kinalalagyan. Katulad ng isang underpass, ang buhay ng tao ay nagsisimula sa isang lagusan. Lagusan na naging daanan sa lahat ng taong gustong makita ang daigdig sa kabilang dimensyon at butas na naging dahilan ng pagiging sakim, makasarili, makasalanan at pagkakaroon makamundong ugali. Aminado tayong sa bawat paglalakbay, magkahalong emosyon ang ating nararamdaman. May takot na maligaw at madapa. Takot na baka mali ang daan na ating tinahak. Meron din namang excitement. Excitement sa mga posibilidad na pwedeng mangyari sa isang paglalakbay. Paglalakbay na hindi maaring magdala ng kasama. Paglalakbay ng mag-isa, sa buhay na gusto nating marating.


Natuto tayong tumihaya, gumapang, umupo, tumayo hanggang sa natutunan nating maglakad sa sariling mga paa. Nagkaroon tayo ng tapang na gawin ang ating gusto. Ninais nating lumipad at maabot ang kalawakan. Subalit ating napagtanto na hindi pala natin kayang mag-isa. Kelangan natin ang mga taong ating makakapitan sa twing tayo'y nangangapa sa paglalakbay. Kelangan natin ang ating pamilyang naging sandalan sa twing tayo'y may pangamba. Sa bawat hakbang ng ating mga paa, sa bawat pagbaba ng ating mga talampakan, may mga desisyon tayong isinasaisip. Desisyon na nagiging makabuluhan upang tayo'y makalabas sa ating pinasukan. Gaano man kahaba ang mga hagdang ating kelangang malampasan, kayang-kaya ito sa tulong ng isang hawakan upang hindi tayo masubsob, malaglag at mabigo sa ating nais makamit. Nariyan ang ating mga kaibigan, pamilya at higit sa lahat ang poong maykapal na syang nagsilbing gabay kahit gaano pa kataas ang bundok na ating aakyatin.




Subalit may mga panahong wala tayong karamay. Walang matakbuhan sa oras ng pangangailangan. Walang tao na pwedeng lapitan. Kelangan mag-isa ka lang. May mga panahong naunahan tayo ng takot sa ating mga dinadaanan. Mga panahong wala tayong choice kundi ipagapatuloy ang ating buhay ng mag-isa ng walang tulong kanino man. Subalit gaano man kapatang ang ating sikmura, hindi pa rin ito kasiguruhan ng tagumpay.


Tuloy pa rin ang ating paglakbay ano man ang hadlang at pagsubok na dinadaanan. May mga pagkakataong kailangan nating magpahinga, magmuni-muni at tumingin sa ating pinanggalingan. Naroon ang mga panahong tinatakpan ng kadiliman ang lahat na pwede nating mapagkukunan ng lakas. Mga panahong pilit na sinusubok ang tatag ng ating pagkatao at dedikasyong magtagumpay. Pero patuloy pa rin ang ating paniniwala sa ating sarili.



Gayunpaman, tuloy pa rin ang laban. Magkahalong emosyon ang ating nararamdaman. May takot at excitement. Makipot at minsan madulas ang ating nilalakaran. Walang ibang malusutan kundi tanging dulo lamang nitong paglalakbay. May panahong may biglang susulpot sa ating harapan at pilit tayong tinutukso para mabitawan ang ating pinanghahawakang lakas. Lakas na syang tanging sandigan upang malampasan ang mga hadlang. May mga pagkakataong liko-liko ang ating madadaanan. Dito tayo nagkaroon ng takot at pangamba. Takot na sa biglang liko ay bka hindi natin maipagpatuloy ang ating nasimulang landas. Sa biglang liko, maari tayong madapa, masaksak, mahulog o di kaya'y mabuntis. Gayunpaman, kailangang panindigan natin ang bawat desisyon na ating gagawin..Ilang beses man tayong madapa at tumayo sa kinalulugmukang putikan, ugali nating mga pinoy na tanggapin ang kalagayang nakatadhana sa atin. Pero patuloy pa rin ang ikot ng bola. Gaano man kahirap ang buhay, tumaas man ang lahat ng bilihin, maging positibo tayo sa ating pananaw sa buhay. Ang importante, pahahalagahan natin ang kung ano man meron tayo. Gawin nating sandata ang mga karanasang nagpaiyak sa atin. Ang mga karanasang muntik ng magpasuko sa atin upang ipagpatuloy ang buhay..






After all, there's always light after the tunnel. Unless that tunnel has dead ends!

Post a Comment

0 Comments